page

9/28/13

Ang Kagandahang Loob ng Panginoon

from yahoo.com
By: Ptr. Orly Ibarbia


Ang mayamang kahabagan ng Dios ay isang karanasan ng mga taong kumilala sa kanilang mga kasalanan at nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon.

Ang kagandahang loob ng Dios ay bahagi ng pag-ibig Niya na naawa at nahahabag sa kalagayan ng tao. At naranasan natin ang kagandahang loob ng Dios sapagkat naranasan natin ang Kaniyang pag-ibig. Kaya masasabi natin na ang Dios ay pag-ibig at Dios din ng kagandahang loob. Ang dalawang katangiang ito ay magkaugnay sa isa't-isa gaya ng sabi sa 1 Corinthians 13:4, "ang pag-ibig ay mapagpahinuhod at magandang loob..."

Kaya kung ang pag-ibig ay walang hanggan gayundin ang kagandahang loob ng Dios. Ito ang nais ng propeta Isaias na ipinahayag sa Isaiah 54:10,
"Sapagkat ang mga bundok ay mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; ngunit ang aking kagandahang loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo."

At sa verse 8 ipinahayag ng Dios na kinaawaan Niya ang Kanyang bayan ng walang hanggang kagandahang loob.
Ang kagandahang loob ay bumubukal kapag may pag-ibig, para bang likas na ito na magkasama, kasunod ng pag-ibig ay ang kagandahang loob. Kaya habang sagana ang pag-ibig, gayon din ang kagandahang loob.

ANG KAGANDAHANG LOOB AY NAHAHAYAG

Saan ngayon nahahayag ang kagandahang loob ng Dios? Sa mga mangmang at walang pananampalataya ang Dios ay malupit at parang laging makasarili. Gusto lang daw ng Dios na lagi Siyang paglilingkuran at alayan ng pagtatapat an gaya ng isang taong makasarili na nagagalit kapag hindi mo siya pinansin. At kung pansinin man ay laging naghahanap pa, na waring di nasisiyahan.

Ang Dios ay hindi tao na mapaghanap. At kung maroong kahanganga sa Dios ay ang Kaniyang kagandahang loob. Sa halip na gawaran ang tao ng kaparusahan, pahirap, karukhaan, kamatayan bilang kabayaran sa kasalanan ay nagawa Niyang iligtas ang tao Titus 3:4-5. Bukod pa dito ay pinalakas, pinagpala, binigyan ng kapayapaan. Gaya tayo ng alibughang anak na sa halip ng itakwil ng kaniyang ama at hindi tanggapin sa kaniyang paglayo at paglustay ng minanang kayamanan ay dalawang kamay na tinanggap. Binihisan ng pinakamabuting balabal, nilagyan ng singsing at pangapak at pinaghandaan pa ng pinatabang guya. At sa halip na maging alilang upahan ay pinapantili pa ng kaniyang ama ang kaniyang pagiging anak. (Luke 15:20-23)

Sa Psalm 103:8-13, gaano naranasan ni David ang kagandahang loob ng Dios? Ang buhay ni David na gaya ng sikat ng araw ay makinang. Bilang lahi ng Israel ay lagi siyang may pagtatagumpay ngunit minsang nalambugan ng madilim na ulap ng pangangalunya at pagpatay sa isa sa kaniyang tapat na kawal. Mga kasalanang nais magalis sa kaniya sa Dios, nguni't ipinanauli siya ng Panginoon. Na ayon kay David ay bunga ng kagandahang loob ng Dios na kasing layo ng silangan sa kanluran at gaya ng isang ama na naawa sa atin.

SAAN TAYO INAAKAY NG KAGANDAHANG LOOB NG DIOS?

Ang kagandahaang loob ng Dios ay nag-aakay sa atin sa pagsisisi (Romans 2:4). Pagsisisi na hindi lamang pagkalungkot kundi lalo tayong magpakatapat sa Dios at tayo'y magiging karapatdapat sa Kanya. At tayo rin ang maging mabuting halimbawa sa pagpapakita ng kangadahang loob sa ating mga kapatid at lalo na sa mga hindi mananampalataya (Ephesians 4:32, Colossians 3:12).

Nawa'y lagi nating mapahalagahan ang kagandahang loob ng Dios sa ating buhay at akayin tayo nito sa lubos na pagtatapat sa ating paglilingkod sa Dios na binayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang loob.