page

9/23/13

Ang Wastong Pagkakilala kay CRISTO

By: Bishop Osie Quillao


Sa pagsilang ng ating Panginoon dito sa lupa ay mayroong ibat-ibang pagpapakilala ang ibat-ibang mga relihiyon tungkol sa Kaniya. Ibat-ibang relihiyon, ibat-ibang paniniwala, ibat-ibang pagpapakilala. Dahil dito, ibat-iba din ang nagiging kaisipan ng mga bawat tao patungkol sa ating Panginoon.

Bakit Kailangan Natin ang Wastong Pagkilala kung Sino ba Talaga si Cristo?

1. Ang taong hindi wasto o tama ang pagkakilala sa Kanya ay walang kaligtasan.

"Mga kapatid, ang mabuting kaluguran ng aking puso at dalangin sa Diyos para sa Israel ay maligtas sila. Pinatotohanan ko na sila ay may kasigasigan sa Diyos ngunit ang kasigasigan nila ay hindi ayon sa lubos na kaalaman," - Romans 10:1-2

Ayon kay Apostol Pablo, may mga tao rin namang nagmamalasakit sa Dios ngunit dahilan sa hindi wasto ang kanilang pagkakilala sa Diyos ay idinadalangin nila na sila ay mangaligtas. Nangangahulugan na yung mga mayroong maling pagkakilala ay walang kaligtasan.

2. Si Jesus mismo ang nagsabi na ang buhay na walang hanggan ay yaong makilala ang Dios na tunay at yung Kanyang sinugo samakatuwid baga ay si Jesucristo.

"At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo." - John 17:3

Ang buhay na walang hanggan ay makilala ang Dios na tunay, ang Ama at ang sinugo ng Ama - ang Kanyang bugtong na anak samakatuwid baga ay si Jesucristo. Kaya kapag mali ang pagkakilala, maliwanag na hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan dahil ang buhay na walang hanggan ay ang makilala ang Ama at ang Kanyang sinugo, walang iba kundi ang Kaniyang bugtong na anak na si Jesucristo.

3. Kung mali ang pagkakilala sa Ama at sa Anak, nangangahulugan na mali rin ang turo at pananampalatayang kinabibilangan ng isang tao.

"At sinabi niya sa kanila, Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, ayon sa nasusulat, Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kaniyang mga labi, Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao." - Mark 7:6-7

Ang sabi ng salita ng Dios, hindi pinapahalagahan ng Panginoon ang paglilingkod sa maling turo o maling aral. Kaya kahit gustong-gusto ng tao na maglingkod at magpakatapat sa kanyang pagsamba at paglilingkod ngunit kung mali ang turo, aral at pagkakilala, ayon na rin sa ating Panginoong Jesucristo ay walang kabuluhan ang kanyang pagsamba.


Sino ang Magkakaroon ng Wastong Pagkakilala kay Jesucristo?

Huwag nating kalilimutan na ang Panginoong Jesucristo mismo ay tinuturo ng Banal na Kasulatan bilang hiwaga ng Dios.

"Upang mangaaliw ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakalakip sa pagibig, at sa lahat ng mga kayamanan ng lubos na katiwasayan ng pagkaunawa, upang makilala nila ang hiwaga ng Dios, sa makatuwid baga'y si Cristo" - Colosas 2:2 

Kapag sinabing hiwaga sa wikang Ingles ay mystery, sa Griyegong salita ay mysteryo na ang ibig sabihin ay hidden or secret. Ngayon, si Cristo ay hiwaga ng Dios, upang ito ay makilala kailangan ng pahayag o yung tinatawag na "revelation."

Sino naman ngayon itong pinapahayagan ng Dios? Lahat ba ay pinapahayagan ng Dios? Halimbawa sa panahon ng Lumang Tipan, mayroong mga hiwaga ang Dios.

"Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta." - Amos 3-7

Ayon sa talatang ito, ang mga lihim ng Dios sa panahon ng Lumang Tipan ay Kanyang inihahayag sa Kanyang mga lingkod na mga "propeta". Sino ngayon ang papahayagan ng Dios sa Bagong Tipan?

"Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at walang nakakakilala kung sino ang Anak, kundi ang Ama; at kung sino ang Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak." - Luke10:22

Maliwanag na ang nakakikilala sa Anak ay ang Ama at ang nakakikilala sa Ama ay ang Anak. Ngayon, paanong makikilala ang Ama? Ang sabi, yaong ibiging pagpahayagan ng Anak. Kung sa Lumang Tipan ang pinapahayagan ng Dios ay ang Kanyang mga lingkod na propeta, ano ngayon ang tawag sa pinapahayagan sa panahon ng Bagong Tipan?

"Kaya nga sinasabi naman ng karunungan ng Dios, Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin." - Luke 11:49


Ang pinapahayagan ng Dios sa panahon ng Bagong Tipan ay ang Kanyang mga "apostol". Iyan ay ayon sa karunungan ng Dios dahil sila ang mga sinugo.

Ang sugo ng Dios sa Lumang Tipan ay ang Kaniyang mga propeta, gaya nina Moises, Daniel, Isaias at marami pang iba. Sa Bagong Tipan naman, ang Kanyang mga sinugo ay ang Kanyang mga apostol. Sila ang mga pinahayagan ng Dios ng Kanyang hiwaga.

Si Cristo ay hiwaga ng Dios. At sapagkat si Cristo ay hiwaga ng Dios, hindi lahat ay magkakaroon ng tamang pagkakilala kay Cristo, Kaya maging sa pagtuturo sa Panginoong Jesucristo, ibat-ibang turo ang ating mapapakinggan o ibat-ibang aral. Kaya't ang mga unang apostol ay nagbigay ng babala sa kapanahunan nila. Sapagkat maging noon pala ay may mga nagtuturo na rin ng ibang Jesus na iba sa kanilang itinuturo.

"Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi naman ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap ay mabuting pagtiisan ninyo," - 2 Corinthians 11:4

Meron pala talagang nagdadala ng Jesus na iba sa itinuturo ng mga apostol. Ang payo sa mga mananampalataya, kapag meron pang iba silang dinadala o ipinangangaral na iba sa itinuro namin ay mabuting "pagtiisan ninyo". Ano ba ang ibig sabihin ng pagtiisan? Ang ibig sabihin nito ay tatanggapin natin? HINDI.
Mababasa natin yan sa 2 John 1:7

Ang ibig sabihin pala ng pagtiisan ay "Huwag ninyo silang tanggapin." Bakit? Mapanganib sila, sapagkat ang mali ngang pagkakilala, maling pananampalataya at maling turo ay hindi magdadala sa tao sa kaligtasan, sa halip ay sa kapahamakan. Kaya may katuwiran ang mga unang apostol na magbigay ng paalala.
Gaya ng sinaabi ni Apostol Pedro sa, 2 Peter 2:1

Ang susunod doon sa mga bulaang guro ayon kay Apostol Peter ay magtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak.